PINALAGAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga mabibigat na pahayag ng kanyang dating ka-tandem na si Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang video message, sinabi ni Marcos na lalaban siya sa sinasabing assasination threat sa kanya ni Duterte.
Sinabi rin nito na nakakalarma ang mga salita ni Duterte.
“Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan? ‘Yang ganyang krimimal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas,” pahayag ni Marcos.
Hindi na anya sana umabot sa ganitong sitwasyon kung sinagot na lamang ni Duterte o ng Office of the Vice President at Department of Education ang kinukuwestyong confidential funds.
“Ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang. Tapos na sana ang usapang ito kung tutuparin lamang ang sinumpaang panata na bilang lingkod bayan ay magsabi ng totoo, at hindi hahadlangan,” sabi pa ni Marcos.
“Imbes na diretsahang sagot, nilihis pa sa kwenton chichiria.”
“Kailangan manaig ang batas sa anumang sitwasyon, sinuman ang tamaan. Kaya hindi ko hahayaang mag tagumpay ang hangarin ng iba na hatakin ang buong bansa sa burak ng pulitika,” dagdag pa nito.
Nitong Sabado, sinabi ni Duterte na sandaling may pumatay sakanya, nag-utos na anya siya nang papatay kay Marcos at sa misis nitong si First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez.