Marcos iniyabang P25/kilo ng bigas na mabibili sa ‘Kadiwa’

SINABI ni Pangulong Bongbong Marcos na mabibili na ang P25 kada kilo ng bigas sa Kadiwa ng Pasko Project matapos itong ilunsad Miyerkules ng umaga.

“‘Pag bibili ng bigas kinukuha sa NFA, kinukuha sa buffer stock… hindi kumikita ang NFA. Kung ano ‘yung pinambili nila ganoon din ang presyo kaya’t ‘yung nakita ninyo ‘yung bigas P25 (kada kilo),” sabi ni Marcos sa kanyang talumpati nang pangunahan ang paglulunsad ng proyekto sa Mandaluyong City.

“Palapit na tayo dun sa aming pangarap na mag-P20 (per kilo of rice) pero dahan-dahan. Aabutin din natin yan,” dagdag ni Marcos.

Binigyang diin din ni Marcos na seryoso ang kanyang administrasyon na pagandahin ang kalagayan ng buhay ng mga Pinoy.

“Ang Kadiwa ay nagdadala lamang ng mas mura na bilihin para sa taong-bayan… Ito namang Kadiwa ay nakakamura ito dahil ang pamahalaan ay bumibili diretso sa supplier kaya’t lahat ‘yung… Lahat ng transport cost, lahat ng mga ganyang klase na kailangang bayaran ang gobyerno na ang gumagalaw,” dagdag ni Marcos.

Sinamahan si Marcos ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

“Labing-apat, labing-apat ito na iba’t ibang Kadiwa ng Pasko na binubuksan namin. Si First Lady napunta sa Parañaque, Si Congressman Sandro nasa Quezon City, ‘yung isang anak ko si Simon ay nasa San Juan. Patuloy po ito. Pararamihin po natin ito hangga’t may coverage na tayo na national,” dagdag ni Martcos.

Sabay-sabay na nagbukas ang 14 na Kadiwa ng Pasko project sa buong bansa, kasama ang 11 sa National Capital Region, isa sa Tacloban City, isa sa Davao De Oro, at isa sa Koronadal City, South Cotabato.