HINIKAYAT ng ilang mga abogado ang Korte Suprema na tuluyan nang i-contempt ang dating spokesperson ng anti-insurgency task force na si Lorraine Badoy, kaugnay ng ginawa nitong pagbabanta at pag-red tag sa isang hukom ng Manila Region Trial Court.
Ginawa ni P3PWD party-list Rep. Rowena Guanzon kasama ang ilang abogado at law students ang panawagan nang magsagawa ng protesta sa Malcolm hall sa UP College of Law Miyerkules ng hapon.
“We can’t tell the Supreme Court what to do pero sa aming mga abogado, ito na yata ang pinaka-attack on the independence of the judiciary and our democratic ideals. Sana po, yun ang wish ko, ipa-show cause na ‘yan si Lorraine Badoy at kung may ebidensya, i-contempt na siya,” ayon kay Guanzon.
May P30,000 multa at pagkakakulong hanggang anim na buwan ang sinoman na i-cite for indirect contempt, o nagawa sa labas ng korte.
Sa post sa Facebook noong isang linggo, ni-red tag ni Badoy si Manila RTC Judge Marlo Magdoza-Malagar nang sabihin nito na abogado ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) matapos ibasura ng hukom ang petisyon ng Department of Justice na ideklarang terorista ang nasabing grupo.
“So I kill this judge and I do so out of my political belief that all allies of the CPP NPA NDF must be killed because there is no difference in my mind between a member of the CPP NPA NDF and their friends, then please be lenient with me,” isa pa sa banat ni Badoy sa Facebook.
“Itong lahat ng ito, mga pasakalye ‘to ni Lorraine Badoy, lahat yun is to create a climate of fear. To create a chilling effect on the lawyers and judges na hindi rightist kagaya niya…to create a culture of right-wing fanatics,” dagdag ni Guanzon.
“‘Yan ang problema dito dahil hindi ito isolated case na si Lorraine Badoy lang. Siya ang spokeswoman nila pero ibig sabihin may mga tao sa likuran nila. Biro mo ba naman, sasabihin nila, e kung bombahin namin kayo? Maging lenient din kayo sa amin, sabi niya?,” anya pa.