INIHAYAG ni Vice President Leni Robredo ngayong araw na magsusumite siya ng certificate of candidacy bilang pangulo kung siya ang mapipiling kandidato ng united opposition.
“Assurance ko sa lahat, walang duda na ‘pag ako ang unity candidate, handang-handa ako,” aniya sa kanyang lingguhang radio show.
Ayon kay Robredo, handa siyang maging lider ng bansa dahil sa anim na taon niyang pagiging bise presidente.
“Matagal na nating pinaghandaan ‘yan kasi alam naman natin ang number one mandate ng pangalawang pangulo ay magsu-succeed kapag may nangyari sa pangulo,” dagdag niya.
“So day one ng aking pagka-vice president, obligasyon ko na pinaghahandaan ko yung eventuality na yun. Hindi sa hinihingi natin. ‘Pag may nangyari, yun ang aking responsibility as Vice President.”
Nitong Biyernes ay sinabi ni Robredo na handa niyang harapin si dating Sen. Bongbong Marcos na tinalo niya sa pagkabise presidente noong 2016.
“Yung pagkakandidato ko ba makakatulong ba siya sa ayaw nating mangyari? Na itong administrasyong ito mag-continue sa 2022? Na si Marcos, bumalik in power? ‘Di ba ‘yan ang ayaw nating mangyari?” aniya.