HUMINGI ng tawad sa publiko si presidential aspirant and Vice President Leni Robredo dahil sa war on drugs na ipinatutupad ng administrasyong Duterte.
Anya, kailangan pa rin niyang humingi ng tawad dahil hindi niya napigilan ang war on drugs kahit siya ay nasa pwesto.
“Hihingi pa din ako sa inyo ng paumanhin dahil ako Pangalawang Pangulo, pero hindi ko… hindi ko nahinto iyong patayan na nangyari. Kasalanan din iyon ng lahat ng nasa pamahalaan na nangyari siya—na nangyari siya habang kami ay nanunungkulan,” ayon kay Robredo.
Sinigurado naman ni Robredo na bibigyan niya ng katarungan ang mga namatay sa war on drugs.
“Ang pinakatulong siguro na mabibigay namin sa inyo, siguruhin na mabigyan ng katarungan iyong pagkamatay ng mga mahal n’yo sa buhay at siguruhin na iyong mga naiwan kahit paano ay may nasasandalan,” ani Robredo.
Dagdag pa ni Robredo, huwag mawalan ng pag-asa ang ina ng mga biktima ng war on drugs.
“Marami pa iyong puwedeng gawin. Pero sana hindi tayo mawalan ng lakas ng loob. Dahil iyong bukas ay marami pang puwedeng mangyari. Hindi na natin mababalik iyong buhay ng mga nawala sa atin, pero kapag pinagbuti natin ang buhay natin, parang iyon na din iyong alay natin sa kanila.”