KINONDENA ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang administrasyon sa ipinakakalat nitong kuwento na atat na atat na makasama ng bise presidente si Pangulong Duterte sa infomercial ukol sa pagpabakuna.
Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Barry Gutierrez, hindi ang bise presidente kundi si Sen. Joel Villanueva ang nagpanukala na magsama sila ng Pangulo sa informercial.
“Based on this statement from last night’s Cabinet briefing, it is sadly clear that this administration will always put politics first, and will even lie to push its own agenda,” ani Gutierrez sa kalatas.
“The idea for a vaccine infomercial came from Senator Joel Villanueva. The Vice President simply expressed her willingness to do it to improve vaccination confidence, which remains alarmingly low,” dagdag niya.
Sa public address ni Duterte Miyerkules ng gabi, sinabi ni Roque sa Pangulo na matapos punahin ni Robredo ang vaccination program ay atat na atat na itong gumawa ng infomercial dahil nagtatagumpay na umano ang nasabing programa.
“Ang ating mga kritiko hindi po talaga nauubos ang pagpuna. Bago dumating ang bakuna ang tanong nila, nasaan ang bakuna? Nang dumating ang bakuna, bakit Chinese? Nang dumating ang ibang brand, bakit hindi pwedeng makapili? So, wala po talagang katapusan ‘yan,” ani Roque.
“Pero I think ngayon po, ngayong napapakita natin na dumadami na’ng nagbabakuna, bigla namang nag-volunteer, gusto raw niyang um-appear sa infomercial kasama kayo. Sa loob-loob ko, ‘matapos tayo siraan nang siraan, ngayong nagiging matagumpay ang ating vaccinations, makikisama ngayon.”
Banat naman ni Gutierrez, isang beses lang nagsalita si Robredo sa isyu nang sinabi niyang papayag siyang lumabas sa infomercial kung iimbitahan siya.