MAAARING ipagamit kay dating Senador Leila De Lima ang mga kwartong nagsilbing kulungan ng mga dating plunder accused at ngayon ay senador na sina Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa loob ng PNP Custodial Center, ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos.
Ito ay para makarekober kaagad ang dating senadora matapos ang hostage-taking nitong Linggo.
Sinabi rin ni Abalos na nagpahayag ng pag-aalala si Pangulong Bongbong Marcos sa sitwasyon ni De Lima.
“Medyo nagpasabi kagabi ‘yong kanyang abogado that they’re going to rethink of our offer for her to, if she wants another facility within the compound itself, sabi nila baka tignan daw nila ‘yong ibang facility,” ayon kay Abalos.
“Kasi alam mo, ang concern kasi ng Presidente dito…is that it’s a very traumatic experience ‘yong nangyari, syempre maski tapos na ‘yan, baka mamaya navi-visualize mo ‘yong nangyari at habang nandoon ka sa room mo,” dagdag pa niya.
“So para ba may peace of mind siya na talagang safe siya at hindi mangyayari, within the compound merong ibang mga facilities na pwede […] Kasi meron pang dalawang rooms doon, ‘yong dating room ni Senator Jinggoy Estrada at saka ‘yong kay Senator Revilla, so pwede naming palinis, paayos kasi parang quarters ng SAF eh. We could offer those,” pagpapatuloy pa ni Abalos.