HINDI umano natatakot si Vice President Sara Duterte kung hindi man bigyan ng budget ng Kongreso ang kanyang tanggapan dahil kaya niyang magtrabaho kahit walang pera.
Sa kanyang video message nitong Miyerkules, sinabi pa ni Duterte na bahagi ng pag-atake sa kanya ang planong i-defund ang OVP ng pondo para sa susunod na taon.
“Narinig din namin na mayroong defunding, i-defund daw ang Office of the Vice President Budget, narinig din namin na posibleng piso lang ang ibigay na budget sa Office of the Vice President. Handa kami. Handa kami, handa ako, sa Office of the Vice President na magtrabaho kahit walang budget,” ani Duterte.
“Maliit lang ‘yung operations namin kaya kayang-kaya namin na magtrahabo kahit walang budget. Alam naman namin na kaparte ‘yan ng pag-atake. Kaya kami, tutuloy-tuloy lang din kami sa kailangan namin gawin para sa bayan,” dagdag pa ni Duterte.
Hindi sinipot ni Duterte ang pagdinig ng appropriations committee sa Kamara nitong Martes para sa budget proposal ng OVP.
Sinuspinde ang pagdinig ngunit wala namang inihaing pormal na panukala para i-cut o bigyan lamang ng P1 budget ang tanggapan ni Duterte.
Samantala, sinabi rin nito na hindi na nakakapagtaka na atakihin siya ng kanyang mga kalaban sa pulitika, at hinikayat ang publiko na huwag magpaapekto sa mga atakeng ibinabato sa kanya.
“Kung makikita natin sa kasaysayan, lagi talagang inaatake ang Vice President dahil siya ‘yung tinitingnan ng mga tao na baka magiging sunod na presidente. So, lahat ng mga gustong tumakbong presidente ay uunahin nila atakihin talaga ang Vice President. Kaya ‘wag sila magpadala sa ingay ng paninira at pulitika,” anya pa.