PATULOY na nangungulelat sa mga survey ang Palawan-based party-list na Kapuso PM sa kabila ng nalalapit na midterm elections sa 2025.
Batay sa mga isinagawang nationwide survey mula Disyembre 2024 hanggang Abril 2025 ng Social Weather Station, hindi man lang pumapasok sa top 50 ang Kapuso PM sa listahan ng mga party-list na may tsansang makapasok sa Kamara.
Noong Disyembre, nasa ika-91 hanggang 93 ang ranggo nito at may botong 0.20 porsyento lang. Medyo tumaas noong Enero kung saan umakyat ito sa ika-57 puwesto at 0.51 porsyento, pero agad ding bumagsak sa mga sumunod na buwan.
Noong Pebrero, bumaba ito sa ika-74-75 puwesto sa botong 0.39 porsyento at lalo pang lumala noong Marso sa ika-75-77 puwesto na may botong 0.29 porsyento.
Bahagya itong nakarekober ngayong Abril sa ika-51-52 puwesto sa botong 0.56 porsyento, pero malayo pa rin ito sa 2 porsyentong threshold na kinakailangan para magkaroon ng puwesto sa Kongreso.
Ayon sa patakaran ng party-list system, tanging mga grupong makakakuha ng hindi bababa sa 2 porsyento ng national vote ang makakaupo sa House of Representatives, at hanggang tatlong kinatawan lang ang pinapayagan kada grupo.