HINIMOK ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang Senado na ibalik kay Pangulong Marcos ang kapangyarihan na magpatupad ng martial law.
Ginawa ito ni Enrile kasabay ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ng noon ay Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa pagdinig ng Senado sa charter change, sinabi ni Enrile na ang paghingi ng pag-apruba sa Kongreso para magdeklara ng batas militar ay nakakasama sa interes ng bansa.
Iminungkahi rin niyang ibalik ang “napipintong panganib” sa mga probisyon ng Konstitusyon na nagpapahintulot sa isang pangulo na ilagay ang bansa sa ilalim ng pamamahala ng militar.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, maaari lamang magdeklara ng martial law ang isang pangulo kapag may rebelyon o insureksyon.
“Ibig sabihin ni Cory, kung nandiyan na ‘yung giyera, binabaril na ‘yung mga sundalo ninyo, natin at saka mga pulis, saka lang ako magdedeklara ng martial law,” ayon kay Enrile.
“Ang sinasabi ng 1935 Constitution at ng 1973 Constitution, ‘pag nakita mo na, at natitiyak mo sa sarili mong desisyon, na ang bansa mo ay namemeligro na sasalakayin o wawasakin ng insurekto o rebelyon, gumalaw ka na. Gamitin mo ang kamay na bakal,” dagdag niya.