NAKALIKOM na ang House of Representatives ng P35 milyon para sa mga sinalanta ng bagyong Paeng.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, ang P45 milyon ay mula sa mga miyembro ng Kamara at pribadong sektor.
Nakahanda ring amyendahan ng Kamara ang panukalang 2023 budget para makatulong sa mga apektado ng bagyong Paeng.
Idinagdag ni Romualdez na naghanda ng relief mission si Tingog party-list Rep. Jude Acidre sa Cotabato, Eastern Visayas, iba pang lugar na apektado ni ‘Paeng.’
“Sa tulong ng mga kasama nating mambabatas sa House of Representatives, magsasagawa ang Office of the Speaker ng relief drive at operations para sa mga komunidad na nasalanta ng Bagyong Paeng. Maglalaan tayo ng pondo para simulan ang pagbili ng mga kakailanganing relief goods tulad ng bottled waters, canned goods, bigas at iba pang basic necessities na ipapadala sa mga apektadong komunidad,” sabi ni Romualdez.
Nanawagan din si Romualdez sa pribadong sektor na makibahagi sa relief operations drive.
“Sa mga nagnanais at interesadong tumulong, maari po kayong tumawag sa numerong nasa baba (09171064969). Maliban dito, nag-coordinate na rin po tayo sa mga ahensya ng NDRRMC para maipaalam ang sitwasyon sa mga distrito base sa report ng ating mga kasama sa Kongreso. Asahan po ninyo na gagawin natin ang lahat para makabangon sa panibagong hamon na dala ng bagyo. Maraming salamat po at mag-ingat po tayong lahat,” dagdag ni Romualdez.