NANINIWALA si Senador Jinggoy Estrada na dapat ikonsidera ang pagbabawal sa mga Koreanovela sa Pilipinas na ngayon ay tinatangkilik ng maraming Pilipino.
Ito anya ay para maitaguyod ang sariling galing ng mga Pilipino sa pag-arte at paggawa ng mga pelikula at iba pang palabas sa telebisyon.
“Kaya minsan pumapasok sa aking isipan na i-ban na itong mga telenovela ng mga foreigner at dapat ang mga artista nating Pilipino, na talagang may angking galing sa pag-arte, ay ‘yun naman dapat ang ipalabas natin sa sariling bansa natin,” sabi ni Estrada sa pagdinig ng Senado sa 2023 budget ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Idinagdag ni Estrada na nawawalan ng trabaho ang mga artistang Pinoy dahil sa mga Koreanovela.
“Ang aking obserbasyon pag patuloy tayo nagpapalabas ng Korean telenovela, ang hinahangaan ng ating mga kababayan ay itong mga Koreano at nawawalan ng trabaho at kita ‘yung ating mga artistang Pilipino,” dagdag ni Estrada.