Isko nagpahiwatig na tatakbo; may banat sa gobyerno

NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno sa kanyang mga nasasakupan na samahan siyang “maglayag” upang masugpo ang mga kinakaharap na krisis ng Pilipinas.


Sa Facebook Live, sinabi ni Moreno na kung magkakaisa, kahit magkakaiba ng partido, ay walang problema na hindi masosolusyunan.


“Samahan ninyo ako, maglayag tayo. Tingin ko kapag tayo nagsama-sama, (walang) mga alon, bagyo, unos and so on and so forth. Basta sama-sama at nagkakaisa tayo,” aniya.


‘Kahit ano pang partido–‘yun namang partido, away lang ng mga pulitiko ‘yon. Tayo, tao, mamamayan, umaasa sa pamahalaan, ‘yan ang focus natin, ‘yan ang thrust natin,” dagdag niya.


Samantala, naniniwala ang alkalde na imbes tutukan ng administrasyon ang mga problema, nililito nito ang publiko.


“Mas marami silang sinasabing ibang bagay to create smokescreen. Ang ibig kong sabihin ng smokescreen ay ‘yung para malito ang mga tumitingin, para lumabo ang mga mata ninyo,” aniya.


Kinuwestiyon din niya kung paano nakapasok sa bansa ang mas nakakahawang Delta variant.


“Bakit nakapasok ang Delta variant sa Pilipinas? Nakapasok ‘yung Alpha, nakapasok ‘yung Beta, nakapasok ‘yolung Delta. Ang susunod na niyan ‘yung Lambda, o Tau Gamma, o kung ano man. Lahat na siguro ng fraternity n’yan e pwede nang pumasok,” hirit ni Moreno.


Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, pumangalawa si Moreno kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa listahan ng mga politiko na nais ng publiko na humalili kay Pangulong Duterte.