UMABOT ng 6.4 porsiyento ang inflation rate sa bansa nitong Hulyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito na ang pinakamataas na naitala sa loob ng apat na taon mula noong Oktubre 2018.
Sinabi naman ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas nararanasan ang napakataas na presyo ng bilihin dahil na rin sa kabiguan ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na magpatupad ng price control para mapigilan ang tuloy-tuloy na paglobo ng presyo ng mga bilihin, particular sa presyo ng pagkain.
“Itong July inflation rate na ito ay made in Malacanang. Unang buwan ni Pangulong Marcos Jr. ito pero walang naging aksyon sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin. Hindi sinuspinde ang buwis sa langis, at nanatiling pasibo sa pagsipa ng presyo ng asukal, tinapay at iba pang pagkain,” sabi ni Brosas.
Idinagdag ni Brosas na dapat nang seryosohin ng gobyerno ang pagpapababa ng presyo.
“The nonstop price hike barrage and the economic burden of Filipinos cannot be painted in glossy terms by revisionist outputs,” aniya.