TULOY ang panunumpa ni Vice President-elect Sara Duterte-Carpio sa Davao City sa Hunyo 19, ayon sa kanyang opisina nitong Sabado.
Gaganapin ang inagurasyon sa San Pedro Square simula alas-3 ng hapon at magtatapos ng 11 ng gabi. Papayagan ang publiko sa lugar simula alas-2 ng hapon.
Magsisimula ang event sa isang misa ng pasasalamat sa ika-3 ng hapon sa San Pedro Cathedral na pangungunahan ni Arsobispo Romulo Valles.
Ila-livestream ang misa sa LED walls sa San Pedro street na umaabot sa kanto ng CM Recto at Anda Streets, Bolton Street, at hanggang sa kanto ng Magallanes at Rizal Streets.
Susundan ito ng inaugural ceremony.
Si Duterte-Caprio ay manunumpa bilang ika-15 bise presidente ng bansa sa pamamagitan ni Supreme Court Justice Ramon Paul Hernando.
Susundan naman ito ng Musikahan-Pasasalamat concert na magsisimula ng alas-6 ng gabi kung saan iba’t ibang artists ang magtatanghal.