NASA panghuli na naman sa magic 12 ang reelectionist na si Senador Imee Marcos, this time naman sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations na kinumisyon ng Stratbase Consultancy.
Sa survey results na inilabas nitong Huwebes, pinamili ng SWS ang may 2,097 registered voters sa listahan ng 70 kandidato kung sino ang iboboto nila sa pagkasenador sa darating na halalan.
Karamihan sa kanila ang pinili ay si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, na siyang nanguna sa magic 12 at nakakuha ng 45 percent. Pumangalawa naman ang reelectionist na si Senador Bong Revilla, na may 33 percent.
Tie naman sa ikatlo at ika-apat na pwesto sina Senador Bong Go at Pia Cayetano na kapwa nakakuha ng 32 percent.
Nasa ika-limang pwesto naman si dating Senate President Tito Sotto, na may 31 percent, at sinundan naman siya ng isa pang Tulfo na si Ben na may 30 percent.
Nasa ika-pitong pwesto naman si dating Senador Ping Lacson na may 27 percent habang nasa ika-walo at ika-siyam sina dating Senador at boksingerong si Manny Pacquiao at host na si Willie Revillame na parehong nakakuha ng 26 percent.
Nasa ika-10 pwesto naman si Makati City Mayor Abby Binay na may 25 percent at ika-11 naman si Senador Lito Lapid na may 23 percent.
Sabit naman sa ika-12 hanggang ika-14 pwesto si Marcos na naka-tie pa sina Camille Villar at Senador Bato dela Rosa.
Nasa ika-15 pwesto naman si dating Senador Kiko Pangilinan.