MARAMI ang nagtataka kung bakit tila minadaling tapusin ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senador Francis Tolentino ang imbestigasyon hinggil sa sugar importation scandal.
Sa hearing nitong Martes, sinabi ni Tolentino na tinatapos na niya ang imbestigasyon ng blue ribbon at posibleng mailabas na ang committee report sa Huwebes, Setyembre 3.
Ito ay sa kabila ng bagong rebelasyon ng dating administrador ng Sugar Regulatory Administration na si Hermenegildo Serafica na mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nagpalutang ng ideya na mag-angkat ang bansa ng 600,000 metriko toneladang asukal.
Ayon kay Serafica, ginawa ni Marcos ang pahayag sa isinagawang online meeting noong Agosto 4, kasama sina Executive Secretary Vic Rodriguez at dating representative ng Sugar Regulatory Board na si Aurelio Geraldo Valderrama.
“Actually in that online meeting with the President, former board member [Aurelio] Valderrama was also in that online meeting, and the President mentioned about a volume of 600,000 metric tons. And I said that Mr. President, that may be too much because starting August 1, first farmers have already accepted cane delivery from farmers and anytime this week, they will start milling,” ayon kay Serafica na dumalo sa pagdinig virtually.
Si Valderrama na physically present sa pagdinig ay sinang-ayunan ang naging pahayag ni Serafica.
Itinanggi naman ito ni Rodriguez, na biglang sumipot sa pagdinig matapos mapagkasunduan ng komite na mag-isyu ng subpoena laban sa opisyal.
Ayon kay Rodriguez: “‘Yung 300,000 metric tons nga ay hindi kumbinsido ang Pangulo, bakit niya sasabihing 600,000?.”
Sa kabila ng mga bagong development at ilan pang mga inimbitang opisyal ang hindi pa nauusisang mabuti o nabibigyan ng pagkakataon para makapagbigay linaw sa nasabing iskandalo, nagpasya ang komite na biglang tapusin ang imbestigasyon sa paniwalang na-cover na nila ang lahat ng usapin kaugnay ng SO4 controversy.
Sinabi ni Tolento na “the committee has established a lot” kahit tatlong araw lamang ginawa ang hearing.
“We established a lot. SO4, how it was crafted. The removal of the performance bond. The assignor-assignee relationship,” giit nito.