BINATIKOS ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang panghaharass ng mga pulis sa mga magsasaka ng sibuyas na nauna nang tumestigo sa Senado.
Ito’y matapos ibulgar ni Sen. Imee Marcos na ginigipiit umano ng mga pulis ang mga magsasaka para bawiin ang kanilang naging pahayag sa pagdinig sa ng Senate committee on agriculture kamakailan.
“Pinapatunayan nito ang dalawang bagay. Una, ang red tagging ay pahamak sa simpleng Pilipino na nais lang ipahayag ang lehitimo nilang hinaing sa gobyerno. Pangalawa, ang NTF-ELCAC ay galamay ng mga korap na negosyante at naghaharing uri. Di na dapat tayo magsayang ng pondo para sa task force na peste sa magsasaka,” sabi ni Manuel.
Nauna nang ibinunyag ng mga magsasaka na binabarat ng mga trader ang kanilang sibuyas bagamat napipilitan silang ibenta dahil sa kawalan ng cold storage facilities.
“Hindi na tuloy nakakapagtaka kung bakit may mga kababayan tayong magsasaka na napapaisip na sumali sa NPA. Nagiging biktima na nga ng suicide ang ilan sa kanila dahil sa hirap tapos gigipitin pa sila ng mga ahente ng gobyerno kapag nagpahayag sila ng kanilang hinaing,” ayon pa kay Manuel.