NANGUNA si dating Senador Gringo Honasan sa paghahain ng certificate of candidacy Lunes ng umaga, ika-pitong araw ng COC filing sa Manila Hotel Tent City.
Ayon kay Honasan nais niyang bumalik sa Senado dahil sa kanyang “unfinished business”, at umaasa anya siyang bibigyan siyang ng pagkakataon ng publiko para maihalalal muli sa darating na 2025 midterm elections.
Nagsilbing senador si Honasan, na dati ring sundalo, noong 1995 hanggang 2004 at bumalik noong 2007 hanggang 2019.
Isa pang dating sundalo at Medal of Valor awardee na si Ariel Querubin ang naghain ng kanyang kandidatura sa pagkasenador ngayong Lunes.
Kasama niyang nag-file ng kanyang COC si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa Manila Hotel Tent City.
Tatakbo si Querubin sa ilalim ng Nacionalista Party.
Nakilala si Querubin noong 2006 dahil sa kanyang role sa nangyaring standoff sa Marines headquarters matapos ang di nagtagumpay na coup laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bunsod ng “Hello, Garci” scandal.
Nag-file rin ng kanyang kandidatura sa pagkasenador si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson.
Huling posisyon na kanyang hinawakan ay ang pagiging alkalde ng bayan ng Narvacan sa Ilocos Sur noong 2019 hanggang 2022.