NANINIWALA si Senador Grace Poe na lalong higit na kailangan madaliin ang pagpasa ng SIM card registration ngayon na matindi ang paglaganap ng mga text scam.
Ayon kay Poe, chair ng Senate committee on public services, posibleng maipasa sa Nobyembre ngayong taon ang panukala na mag-oobliga sa lahat ng telco subscribers na maiparehistro ang kanilang mga SIM card.
Sisimulan ng komite ni Poe ang diskusyon sa mga panukalang inihain para sa pagpaparehistro ng SIM, na isang batas na sana ngayon kung hindi lang ito nai-veto ni dating Pangulong Duterte, sa Miyerkules.
Isa ang SIM Card Registration bill sa mga prayoridad na panukala na nais maipasa ng Senado.
“Nag-hearing na kami d’yan noon, marami na kaming nakalap na impormasyon at kaisipan tungkol dyan. Kung matatapos natin ang hearing sa Wednesday, technical working group na lang sa susunod na linggo, tapos baka pwede na natin ma-plenaryo. Hopefully, ito ay mapasa by November. Ito ang nakikita nating timeline kasi hihintayin pa rin natin ang bersyon ng House,” ayon kay Poe.
Ginawa ni Poe ang pagtiyak na susuriin nilang mabuti ang panukala para maipasa ito ng maaga lalo na ngayon na naglipana ang mga text messages na ang motibo ay makapanggantso.
Bukod sa spam text, marami rin umanong mga text at tawag na nakukuha ang mga susbcribers mula sa mga taong nagkukunwaring mga tauhan ng gobyerno at humihingi ng tulong.
Sa gagawing hearing sa Miyerkules, inaasahan na dadaluhan ito ng mga tauhan mula sa National Privacy Commission, the Department of Information and Communications Technology, at mga telecommunication companies.