GINUGUNITA ngayong araw ang ika-13 taon ng Ampatuan massacre.
Naitala ito sa kasaysayan bilang pinakakarumal-dumal at deadliest single-incident attack sa mga mamamahayag at manggagawa sa media ng Brussels-based International Federation of Journalists (IFJ) at New York-based Committee to Protect Journalists (CPJ).
Iko-cover noon ng mga reporter si Bai Genalyn Mangudadatu na magpa-file ng candidacy para sa asawa na si Esmael.”Toto” Mangudadatu. Kasama niya ang dalawang kapatid at ilan pang kaanak ni Toto.
Vice mayor noon ng Buluan, Maguindanao si Toto at tatakbong governor ng probinsya.
Kakalabanin niya sa electoral contest si Andal Ampatuan Jr. na kasalukuyang governor noon.
Naka-convoy ang mga reporter sa mga kababaihan papunta sa Shariff Aguak, capital ng Maguindanao kung saan sila magpa-file nang harangin at patigilin sila sa isang checkpoint sa Ampatuan town bandang alas-10 ng umaga.
Dinivert sila sa Sitio Masalay, Barangay Salman kung saan nakaready na pala ang malaking hukay na kanilang paglilibingan.
Pagdating sa target site, doon pinagraratrat ang mga nakakaawa at walang kalaban-laban na mga biktima.
Limampu’t walo ang pinatay, 32 ay mamamahayag at 26 ay sibilyan.
Nung December 19, 2019, matapos ang mahigit isang dekada, nagbaba ng hatol si Quezon City RTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis Reyes.
Guilty sa 57 counts of murder ang 28 sa 197 suspects. Hinatulan sila ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ng walang ibibigay na parole.
Kasama sa sentensyado ang tatlong magkakapatid na Ampatuan – Andal Jr., Zaldy at Anwar Ampatuan Sr.
Acquitted o abswelto ang 55 kasama ang kapatid din nilang si Sajid Islam Ampatuan.
Meron pang 83 ang hindi pa nahuhuli.
Nakalulungkot na hindi pa rin natatagpuan ang bangkay ng pang-58 na mediaman – Reynaldo “Bebot” Momay.
Yan ang dahilan kung kaya’t 57 counts at hindi 58 counts ng pagpatay ang hatol sa mga suspek dahil missing si Momay.
Na-establish sa ruling na kasama sa convoy ng media si Momay pero hindi na siya nakita pagkatapos ng masaker.
Dama natin ang pinakamatinding pagdurusa at sakit na nararamdaman ng kanyang anak na si Reynafe na hanggang ngayon ay umaasa ng hustisya sa pagpatay sa kanyang ama.
Patuloy pa rin itong ipinaglalaban.
Pagkatapos ng makasaysayang promulgation o pagbaba ng hatol, may second batch pa ng 50 suspects ang kinasuhan nina Atty. Nena Santos, ang lawyer nina Congressman “Toto” Mangudadatu.
Sa pag-andar ng panahon, umabot na sa 44 ang kabuuang napatunayang sangkot sa massacre at nahatulan ng korte ayon sa National Union of Journalists of the Philippines.
Kelan lang ay may natimbog pang walo at isa ang napatay habang isini-serve ang warrant of arrest.
Pending pa rin sa Court of Appeals ang mga apela sa desisyon.
Malinaw na hindi pa tapos ang laban para sa hustisya sa mga pinatay sa masaker.
Marami pa ang nakawala at may mga nadagdag na suspek.
Hindi pa ganap ang hustisya para sa mga biktima at kanilang mga pamilya at kaanak. Partial justice ang nakamit.
Handog natin ang dasal at patuloy na pagtutok sa kaso.
Kahit may naparusahan na, marami pa rin ang pinapatay.
Ayon sa NUJP, mula 1986 nang ibinalik ng People Power Revolution ang demokrasya, higit 200 na ang pinatay na mamamahayag at manggagawa sa media.
Kasama na rito ang 23 pinatay sa administrasyong Duterte.
Sa ilalim ni Marcos Jr., dalawa na ang pinaslang – nung September 18, si Renato Blanco, radio broadcaster sa Negros Oriental.
At nito ngang October 3, patay sa ambush si Percy Lapid Mabasa.
Sa pinakahuling tala ng CPJ sa 2022 Global Impunity Index, pampito ang Pilipinas sa pinaka-deadly na bansa para sa working journalists.
Basehan nila – mula 1992 hanggang 2022, sa 85 media killings, meron pang 14 unsolved murders ng mga mamahayag sa Pilipinas.
Number 1 o deadliest country for working journalist ang Somalia.
Ibig sabihin, nananatiling delikado ang maging journalist sa Pilipinas hanggang ngayon.
Tumingkad nga ito sa pagpatay kay Percy Lapid sa Metro Manila.
Kadalasan ay sa probinsya nangyayari ang patayan, pero sa bibihirang pagkakataon, mas mapangahas ang mga suspek nang patayin si Ka Percy sa syudad.
Kailangan ipakita ng gobyerno na wala itong sasantuhin sa mga salarin, hindi lang sa media killings, kundi maging ang pagpatay sa mga ordinaryong mamamayan para talagang matakot pumatay ang mga nagbabalak ng masama.
Pero kaya bang gawin ito ng kasalukuyang administrasyon na kahit ang human rights violations nung presidente ang tatay na si Ferdinand Marcos ay hindi inaamin?
Hindi rin inaamin ni Marcos Jr. na naging diktador ang tatay.
Katunayan, pilit nilang binabago ang kasaysayan pabor sa imahe ng pinatalsik na diktador.
Positive para sa akin ang super tutok nina Marcos Jr at DoJ Sec. Boying Remulla sa Percy Lapid case.
Pero sana ganyan din ang atensyon at tutok na ibinibigay kay Renato Blanco. At sana ganyan din ang atensyon at sigla sa paghawak sa kaso ng mga pinatay na mamamahayag at lahat ng biktima ng extrajudicial killings sa bansa.
Otherwise, gusto lang nilang magsampol ng lulutasing media murder case, dahil popular ang biktima at buong mundo ay nakabantay sa takbo ng kaso.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]