SUNOD-SUNOD ang panawagan na palayain na si dating Senador Leila De Lima matapos ang hostage-taking Linggo ng umaga sa loob ng kanyang detention cell sa Camp Crame sa Quezon City.
Nag-trending sa social media ang #FreeLeilaNow at #CampCrame at #PNPCustodialCenter ilang oras matapos ang hostage-taking na naglagay sa buhay ng dating senador sa panganib at nagresulta sa pagkakapatay sa tatlong detinido na nagtangkang tumakas at manghostage.
Ayon sa Human Rights Watch Philippines, panahon na para palayain si De Lima matapos ang limang taon nitong pagkakakulong dahil sa kasong droga na isinasangkot sa kanya.
Maging si dating Vice President Leni Robredo ay nagpahayag ng pag-aalala kay de Lima kasabay ang panawagan na palayain na ito.
Hirit naman ng chairman ng Bagong Alyansang Makabayan na si Renato Reyes Jr. dapat imbestigahan mabuti ang insidente upang mabatid kung talagang target nga ba si De Lima para patayin.
Dumalaw rin sa kanyang detention si opposition Senator Risa Hontiveros na nanawagan din sa pamahalaan na palayain na ang dating kasamahan sa Senado.