Farmers group bumwelta sa paninisi ng DA official

RUMESBAK ang isang farmers group matapos sisihin ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang mga magsasaka sa Batanes sa hindi nabibiling 25 metric tons ng bawang sa lalawigan.

Sinabi ni Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP EXPLOITATION) Chairperson Antonino Pugyao na “insensitive” ang mga binitiwang pahayag ni Panganiban hinggil sa kalagayan ng mga magsasaka.

“Walang pagmamalasakit ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka. Sa halip na tulong, pang-iinsulto pa ang inabot naming mga magsasaka mula sa DA,” sabi ni Pugyao.

Matatandaan na sinisi ni Panganiban ang mga magsasaka sa Batanes sa hindi nabebentang bawang, sa pagsasabing tanim nang tanim ngunit wala namang mercado para sa kanilang produkto.

“Nakalimutan ata ni Usec. Panganiban na sa DA sya nagtatrabaho at hindi bilang tagapagsalita ng mga importer,” dagdag ni Pugyao.