PINANGUNAHAN ni dating Vice President Leni Robredo ang kampanya ng mga kaalyadong Liberal Party sa pagkasenador na sina Kiko Pangilinan at Bam Aquino, sa unang araw ng kampanya ngayong Martes.
“Kung baga sa basketball, second quarter na tayo. Medyo tinambakan tayo ng first quarter. So, babawi tayo ng second quarter, hanggang sa dulo na maipapanalo na natin. So this is a continuation of what we started: gobyernong tapat,” ayon kay Pangilinan.
Si Pangilinan ang runningmate ni Robredo sa 2022 presidential elections laban sa nanalong tandem nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte.
Sinimulan ng grupo ang kampanya sa pamamagitan ng isang misa sa Parish of the Holy Sacrifice sa loob ng University of the Philippines’ Diliman campus sa Quezon City.
Ayon kay Pangilinan, nangako si Robredo na tutulong ito sa pangangampanya habang hindi pa nagsisimula ang campaign period para sa local officials.
Si Robredo ay tatakbong alkalde ng Naga City.
“She will be with us in the proclamation rally, and that is her commitment because she still has time to help us before the mayoral race starts,” dagdag nito.
Samantala, sinabi naman ni Aquino na tututukan niya ang kakulangan sa trabaho sa sandaling muling makabalik sa Senado.
Kasama rin sa kick off rally ay ang mga nominado ng party-list groups na Akbayan na sina lawyer Chel Diokno.