MATAPOS magtago ng pitong taon sa ibang bansa dahil sa akusasyon ng nakaraang administrasyon na isa siyang drug protector, humarap ngayong Huwebes sa Quad committee sa Kamara si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog para linisin ang kanyang pangalan.
Sa kanyang statement na binasa sa komite, makailang beses na naging emosyunal si Mabilog habang itinatanggi ang mga akusasyon sa kanya ng nakaraang administrasyon, at umasa na sana ay nagsagawa muna ng beripikason ito bago siya isinangkot sa ilegal na droga.
Humiling rin si Mabilog ng hustisya para sa kanya at pamilya na labis umanong naapektuhan dahil sa wala umanong mga basehang akusasyon sa kanya.
“Ang panawagan po namin sa inyo, manguna po ang hustisya at magkaroon ng reporma sa ating sistema, partikular sa pamamalakad ng ating law enforcement agencies. Accusations must be duly validated and authenticated first before any public announcement to avoid shaming and destroying the honor, reputation, and good image of a hardworking and innocent person,” ayon sa dating alkalde.
Umaasa rin anya siyang mapanagot ang sinumang umabuso sa kanilang kapangyarihan.
“Higit sa lahat, panagutin ang mga umaabuso sa kapangyarihan. Sana ang nadanasan naming paghihirap, na durog na durog, persekyusyon, at trauma at saka walang-wala ay hindi po mararanasan ng iba, at mananaig ang katotohanan at hindi ang pamumulitika o personal na interes ng iilan,” pahayag nito.
Isa si Mabilog na opisyal ng pamahalaan na tinukoy ni Duterte na sabit sa ilegal na droga noong 2016.
Sa kabila anya nito ay wala ni isang kasong isinampa laban sa kanya na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Umalis si Mabilog ng bansa noong Agosto 2017 para dumalo sa isang conference sa Japan, ngunit hindi na siya bumalik.
Nito lang Setyembre 10 bumalik sa bansa si Mabilog kasama ang kanyang pamilya.