KAHIT na magmukha pang katawa-tawa at kengkoy, ang lahat ng gimik at palundag ay gagawin ni Senator Imee Marcos masiguro lang na mananalo siya sa darating na May 2025 midterm elections.
Pansinin at makikitang kaliwa’t kanan ang pagpapakalat ng mga tarpaulin ni Imee, patuloy rin ang pag-iikot sa mga syudad at probinsya, nakikipagsabayan sa mga vloggers at paulit-ulit ang mga political ads sa telebisyon at radio.
Kung tutuusin, panic mode si Imee kaya niya ginagawa ang walang tigil na propaganda. Bistado na kasing ginagamit lang niya ang grupo ni dating Pangulong Digong at administrasyon ni Pangulong Bongbong para pakinabangan ang makinarya, organisasyon at impluwensya ng dalawang kampo.
Sabi nga, “namamangka sa dalawang ilog” si Imee.
Bukod sa nagkalat na tarpaulin ni Imee, sa mga fiesta, festival, beauty contest, anniversary, flag raising ceremony at pati groundbreaking ng mga itinatayong gusali ay hindi pahuhuli at present lagi ang senadora.
At hindi rin lang sa primetime ng television news program makikita ang political ads ni Imee, kundi pati na rin ang nagdaang NBA championship na ang nanalo ay Boston Celtics. Kaya ba natalo ang Dallas Mavericks dahil sa malas ang political ads ni Imee?
Nitong nakaraang SONA, animo’y nasa kaharian ng Encantadia, bonggang-bongga ang kasuotan, ginintuan ang pulseras at meron pang nakaputong na korona. Ibang klase si Imee, siya lang ang kakaiba sa SONA.
Pero mukhang wa epek ang lahat ng ginagawang pautot at gimik ni Imee dahil sa patuloy na bumababa ang kanyang standing tulad ng latest senatorial survey ng OCTA Research na nasa ika-12 na ang senadora mula sa dati nitong ika-10 puwesto.
Silip na silip ang ginagawang mga pambobola ni Imee. Hindi na ito kakagatin ng mga botante, at kung talagang mamalasin tuluyang hindi na makapapasok sa “Magic 12” ng senatorial race ang senadora.