NILINIS sa kasong plunder ang chief legal counsel ni Pangulong Bongbong Marcos na si dating Senador Juan Ponce Enrile, ang kanyang dating chief of staff na si Gigi Reyes at ang tinaguriang “pork barrel” queen na si Janet Napoles.
Ayon sa Sandiganbayan Third Division, pinawalang-sala ang tatlo dahil nabigo ang prosekusyon na patunayan ang guilt ng mga ito “beyond reasonable doubt.”
Isinampa ng Ombudsman ang kaso laban kina Enrile, Reyes, Ronald Lim, John Raymund de Asis, at Napoles noong Hunyo 5, 2014 kaugnay sa P172 milyong Priority Development Assistance Fund ni Enrile mula noong 2004 hanggang 2010.
Nananatiling at-large sina Lim at de Asis.
”I thank the magistrates. This is vindication for all of us,” pahayag ni Enrile nang matanong ng mga reporter matapos basahin ang desisyon Biyernes ng umaga.
“Siyempre, masaya,” tugon naman ni Napoles sa hiwalay na panayam. Sa kabila nito, mananatiling nakakulong si Napoles dahil sa dalawang convictions na kanyang tinanggap hinggil pa rin sa kasong plunder na may kaugnayan sa plunder.
Hindi naman nagbigay ng pahayag si Reyes.