BINIGYANG-KATWIRAN ni Pangulong Duterte kung bakit hindi niya pinayagan ang pagsuspinde sa operasyon ng e-sabong.
Sa kanyang Talk to the People na ipinalabas Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Duterte na malaking tulong ang online sabong ngayon na kulang ng pera ang pamahalaan.
“Ang appeal ko lang sa mga congressman, ‘wag niyo na lang anuhin ‘yan. Kumikita ‘yan, walang nakikinabang dyan except Pagcor, ‘yung malalaking players na naglalaro talaga diyan,” ayon kay Duterte.
Matatandaan na nagsumite ng resolusyon ang Senado na humihiling sa pangulo na suspindihin ang operasyon ng e-sabong matapos ang isinagawang imbestigasyon sa 31 sabungerong nawawala.
“Kaya ako dahan-dahan na hindi muna ako nag-react agad na sabihin na i-suspend because of the income that the government derives from allowing this kind of game to go online in public ,” paliwanag pa ng pangulo.
Sakaling tanggalin o kahit man limitahan ang operasyon nito ay magreresulta lamang sa kabawasan ng perang pumapasok sa pamahalaan.
“Mamimili ako ngayon, na mawala income by the billions. Sayang eh, wala tayong pera. We’re short on money,” dagdag pa nito.