Trending sa social media ang #PatayNaBa matapos kumalat ang usap-usapan na may malalang sakit si Pangulong Duterte kung kaya’t dalawang beses nang naurong ang dapat sana’y address to the nation niya.
Nasa ikalawang pwesto sa trending topic sa Twitter ang hashtag na #PatayNaBa na ang pinatutungkulan ay ang pangulo.
Mariin namang itinanggi ni Presidential Communications Operations Office chief, Secretary Martin Andanar ang balita, at tinawag niya itong fake news.
Noong Lunes ay nag-anunsyo ang Palasyo na hindi matutuloy ang regular na address to the nation ng pangulo at gagawin sana ito ngayong Miyerkules.
Gayunman, hindi rin natuloy ang nakatakdang report ni Duterte sa PUBLIKO ngayong araw dahil katwiran ng Malacañang ay ilan sa mga tauhan ng Presidential Security Group ang nagpositibo sa coronavirus disease.
Samantala, iniuugnay ang sinasabing balita na may karamdaman ang pangulo sa pag-alis ng anak nito na si Davao City Mayor Sara Duterte patungong Singapore.
Umamin si Sara na naka-leave siya at may travel authority siya mula sa Department of Interior and Local Government para lumabas na bansa bunsod ng “personal health management’.