IPINAGDIINAN ni Pangulong Duterte na hindi siya naduwag kay retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa kabila ng pag-atras niya sa hamon niya rito na debate kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Duterte na nang hinamon niya ng debate si Carpio sa national TV noong isang linggo ay “nakalimutan ko na si Carpio, hindi ang Presidente—ako.”
Idinagdag niya na umatras siya sa debate dahil anumang masasabi niya roon ay makaapekto sa gagawing hakbang ng pamahalaan hinggil sa WPS.
“It’s not because I’m afraid of debates,” aniya sabay dagdag na noong 2016 ay nakipagdebate siya sa mga katunggali niya sa pagkapangulo.
Ang mensahe niya kay Carpio: “Hindi ako takot sa ‘yo. Ang problema, hindi ko nga alam, hindi ka Presidente.”
Matatandaan na ilang araw nag-trending ang #DuterteDuwag matapos niyang utusan si presidential spokesperson Harry Roque na humalili sa kanya sa debate laban kay Carpio. –WC