Duterte ibinuking si Imee: Gustong mag Vice President kay Sara

IBINUKO ni Pangulong Duterte si Senador Imee Marcos na nais nitong maging vice presidential running mate ni Davao City Mayor Sara Duterte kung sakaling tumakbo ito sa pagkapangulo sa 2022 elections.

Sa kanyang regular na taped message, sinabi ni Duterte na may laro umano si Imee kung kayat madalas itong magtungo sa Davao para bisitahin ang kanyang anak.

“Si Imee, ganito ang laro n’yan, pinupuntahan niya si Mayor sa Davao, hoping na magtakbo yon, siya ang maging bise,” pagbubuking ni Duterte.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na walang balak ang kanyang anak na tumakbo sa pagkapangulo.

Matatandaan na nitong mga nakaraang araw ay pinalutang ni Marcos na ang kanyang kapatid na si dating Senador Bongbong Marcos ay kinakausap na ng iba’t iabng partido para sa plano nito sa darating na eleksyon, kabilang na ang partido ng Hugpong ng Pagbabago ni Sara Duterte.

Ipinangalandakan pa nito na ang tandem na Duterte at Bongbong Marcos ay maituturing na “marriage made in heaven”.