GAYA nang inaasahan, muling ipinagtanggol ni Pangulong Duterte si Health Secretary Francisco Duque III sa mga sunod-sunod na pagbatikos laban dito kaugnay sa ulat ng Commission on Audit hinggil sa kontrobersyal na P67.3 bilyong pondo laban sa COVID-19.
Sinabi rin ni Duterte na hindi niya tatanggapin ang resignation ni Duque sakaling magbitiw ito sa kanyang tungkulin gaya nang hiling ng marami.
“Alam ko, gusto mo na mag-resign, pero alam mo rin na tanggihan kita. Twice mo na ginawa, pero tinanggihan ko. Wala ka namang ginagawang masama, bakit ka mag-resign?” sabi ni Duterte sa kanyang regular na Talk to the People.
Iginiit pa ni Duterte na hindi niya papayagan ang katiwalian sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Kasabay nito, binatikos din ni Duterte ang COA sa pagsasapubliko ng report nito. “‘Yang papel na ‘yan na preliminary audit, pag nilabas mo ‘yan sa media, it becomes the gospel truth. May suspicion na agad. Wag ka muna mag-audit hangga’t di matapos ang trabaho ko,” dagdag ni Duterte.