IPINAGTANGGOL ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang desisyon ni Pangulong Duterte na umurong sa kanilang debate ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Minaliit din ni Panelo, ang hashtag na #DuterteDuwag na nag-trending sa social media nang ilang araw.
Sa kanyang programang “Counterpoint,” iginiit ni Panelo na gagamitin lamang ni Carpio si Duterte para sumikat.
“Kung ako si Tony Carpio, tanggapin ko ito, lalo na kung may balak akong tumakbong presidente. Malaking medial mileage ito. Ayun tinanggap naman,” ani Panelo.
Idinagdag niya na personal niyang sinabiihan si Duterte na huwag pumatol sa debate dahil hindi naman sila magka-level ni Carpio.
“Kung ako ang tatanungin, bakit ka naman makikipagdebate sa isang justice? Alam n’yo kung pwedeng magdebate, kapareho mo ng ranggo, kapareho mo ng talino, kapareho mo ng estado. President ka ng bansa, ito retired na ito,” aniya pa.
Nag-trending sa Twitter ang #DuterteDuwag matapos ihayag ni Roque ang desisyon ni Duterte na umatras sa debate.