Digong pwedeng ireklamo pero sayang-oras lang –Carpio

KAHIT pa impeachable offense umano ang mga pag-asta ni Pangulong Duterte hinggil sa isyu ng West Philippine Sea (WPS), hindi ito uusad, ani retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.


Ayon kay Carpio, ang pagtrato ni Duterte sa pag-aagawan ng Pilipinas at China sa WPS ay maituturing na “betrayal of public trust” at “betrayal of national interest.”


Pero inamin niya na walang patutunguhan ang anumang pagtatangkang ma-impeach si Duterte dahil marami itong kaalyado sa Kamara at Senado.


Ani Carpio, ang mandato ng Kongreso ay tingnan o repasuhin ang ginagawa ng Pangulo. “But Congress isn’t doing his job,” giit niya..


Matatandaan na naibasura sa Kamara noong 2017 ang impeachment complaint na inihain ni Magdalo Rep. Gary Alejano laban kay Duterte sa patakarang panlabas nito kaugnay sa West Philippine Sea, Panatag Shoal, at Benham Rise.