Digong pinagmumura sina Carpio, del Rosario

PINAGMUMURA ni Pangulong Duterte sina retired Senior Associate Justice Antonio Carpio at dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario na inakusahan niyang “nagregalo” sa China ng mga isla ng Pilipinas sa West Philippine Sea.


Ani Duterte, sinabi umano ni Chinese President Xi Jinping na ang dalawa ang responsable sa “pamimigay” ng mga isla sa China.


“Sabi ko, alam ko na may dalawang taong maingay. Sabi nga ni Xi Jinping na, ‘Ah alam namin’. Iyon ‘yung dalawang si Albert pati si Carpio ang nagregalo sa amin niyang mga islands mo eh. Niregalo, namimigay ang mga p*****. Tapos you have the temerity to blame anybody for your, in diplomatic term, ‘faux pas,'” paliwanag ni Duterte.


Idinagdag niya na si del Rosario umano ang nag-utos noong 2014 sa Philippine Coast Guard na umatras sa kumprontasyon sa pagitan ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas.


“Ewan ko bakit. Alam mo, mayor ako noon pero gusto kong sabihin sa military bakit kayo nakikinig diyan sa p***i*** ‘yan? Bakit kayo mag-retreat? aniya pa.


Kinuwestiyon din niya ang hitsura ni del Rosario.


“Hindi nga Pilipino ang mukha niyan. Tignan ninyo–oversized. And he made the order after the suggestion of America who brokered the talks. In a sense, the talks failed in favor of China,” hirit ni Duterte.


Sinabi niya na nagkaletse-letse ang buhay ng Pilipinas dahil umano sa naging utos ni Del Rosario.


“Ang mga ulol itong dalawa, ako lang ang pagbibintangan kasi I am not asserting enough. Puro naman tayo abogado siguro. What would be the best evidence really to fight for and die for?” giit ni Duterte.


Sinabi pa niya na base sa kanyang impormasyon, ginawa ni del Rosario ang kautusan sa Coast Guard nang hindi nalalaman ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.


“Tanungin mo bakit pinaatras ninyo? Hindi kayo nagpadala doon at nagkagiyera na tayo noon tapos na sana kayong dalawa because you brought misery to our country. Ngayon na history is being made, recorded everyday, you want yourselves to free from any liability,” aniya pa.