Digong naaksidente sa motorsiklo

NAAKSIDENTE sa pagmomotorsiklo si dating Pangulong Duterte.

Ito ang kwento ng dating pangulo nang humarap ito sa kanyang mga kapartido sa ginanap na National Assembly ng PDP-Laban ngayong Huwebes sa Pasay City.

Ibinida ni Duterte na nakaranas siya ng pagkahilo dulot ng kanyang vertigo kaya siya naaksidente habang nagmomotor. Pero, anya, minor accidente lamang ito.

“Nadisgrasya kasi ako…nagkaroon ako ng vertigo noong isang araw. [At] nag motor [rin ako], nadisgrasya na naman ako. I had two minor accidents,” ayon kay Duterte na 77 anyos.

“I drove on the highway..tsk…nabunggo ko iyong security ko. Sabi ko kasi do not run a stride with me, because my peripheral vision…l was looking at a distance; sabi ko, diyan lang kayo sa likod,” aniya pa.

Nabanggit niya na nadamay din ang kanyang security sa aksidente matapos niyang mabunggo ito.

“Nabunggo ko iyong security ko. Mabuti after the MRI, lahat lahat, okay naman siya. Lumipad talaga eh,” ayon kay Duterte.