Digong iniimbestigahan na ng DOJ special body sa paglabag sa int’l law

BUMUO ng special body ang Department of Justice (DOJ) para imbestigahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa posibleng paglabag sa humanitarian law kaugnay ng mga pagpatay habang ipinatutupad ang kanyang madugong war on drugs.

“Yes, our task force is doing that. I was just talking to the head of the task force earlier,” ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nang tanungin hinggil sa kung binubusisi na ba ng departamento ang mga pahayag na binitiwan ni duterte sa pagdinig noon Nob. 13 sa harap ng Quad Committee.

Una nang binuo ng DOJ ang task force para imbestigahan at mangalap ng mga ebidensya para maisulong ang paglalatag ng kaso laban sa dating pangulo.

Ayon sa datos, mahigit sa 6,000 katao ang napatay sa pagitan ng 2016 hanggang 2022 dahil sa matinding pagpapatupad ng war on drugs. Gayunman, sa taya ng mga human rights groups, mahigit sa 30,000 ang nasawi sa madugong kampanya kontra droga.

Sesentro umano ang imbestigasyon sa posibleng paglabag sa international humanitarian law (IHL) ni Duterte na siya ring legal grounds na isinusulong ng International Criminal Court (ICC) sa sarili nitong imbestigasyon.

“We want the charges to be separate from each other. What we charge here and what the ICC charges have to be, if possible, will not overlap. Because even if we are not members of the ICC, the spirit of complementarity still applies,” paliwanag nito.