NANINIWALA si Senate President Francis “Chiz” Escudero na biro lang ang ibinigay na dahilan ni Vice President Sara Duterte kung bakit hindi ito makadadalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 22.
Kaya, dagdag ni Escudero, ay huwag na itong palakihin at seryosohin ng publiko.
Ayon sa mambabatas, ginamit na lamang ni Duterte ang titulo ng isang US action series na pinagbibidahan ni Kiefer Sutherland pero ang totoo ay ayaw lang talaga nitong dumalo sa okasyon.
“I believe she does not want to attend SONA 2024. I guess she was simply making light of her excuse by quoting a Netflix series,” ani Escudero.
“Personally, I won’t give any special or deeper meaning to it,” dagdag niya.
Umiikot ang kuwento ng TV series sa isang Cabinet secretary na iniluklok bilang pangulo ng US makaraang masawi ang presidente at lahat ng nasa presidential line of succession sa isang pagsabog habang ginaganap ang State of the Union address.