MAGKAKASUNOD na tweet ang ipinadala ni Sen. Leila de Lima bilang reaksyon sa mga banat sa kanya ni Pangulong Duterte sa public address nito kagabi.
“Mr. President, maawa ka naman sa taumbayan. Namamatay na mga mahal nila sa buhay ako pa rin ang problema mo?” sabi ni de Lima sa una niyang tweet.
Sinundan ito ng pakiusap na, “Magtrabaho ka na lang Duterte. Kung nagtrabaho ka lang sana hindi tayo umabot sa ganito. Huwag ka na lang puro ngawngaw.”
Inakusahan din niya ang Pangulo na may kasalanan kung bakit nakapasok sa bansa ang Covid-19. “Huwag ka rin sinungaling. Alam naman ng lahat na ikaw ang ayaw magban sa mainland Chinese noong kumakalat na ang virus dahil tuta ka nila,” ani de Lima.
Hindi pa nakuntento, nag-tweet din ang senadora ng #DutertePalpak.
Umapela rin siya sa aide ni Duterte na si Sen. Bong Go na: “Stop covering up for your boss and misleading us on his true capacity to lead. No one is really in charge. Marami nang namatay. Marami pang nagkakasakit. Tigilan na ang panlilinlang. Halatang-halata na kayo!”
Sa kanyang “Talk to the People” address, sinabi ni Duterte na makatwiran lang na makulong si de Lima dahil sangkot ito sa bentahan ng droga sa New Bilibid Prison.
Mula pa noong Pebrero 2017 ay nakadetine na si de Lima sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame dahil sa mga kasong may kaugnayan sa droga.