HINAMON ni dating Senador Leila de Lima si dating Presidential Spokesperon Harry Roque na sumuko na at harapin ang mga akusasyong ibinabato sa kanya.
Ayon kay de Lima, dapat sumuko na si Roque bilang isang abogado na nararapat na kumikilala sa “rule of law.”
“Kung ako nga hinarap ko. I went through the whole process even though its so painful,” ayon kay de Lima na ang pinatutungkulan ay ang tatlong drug cases na isinampa laban sa kanya ng nakaraang administrasyon na ngayon ay pawang ibinasura na ng korte.
“Kung wala kang kasalanan, wala kang tinatago, harapin mo nang buong tapang,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa dating senador, ang dati niyang taga-usig ang siya na ngayong hinahabol ng batas.
“Look at him now, he’s on the run. Marunong talaga ang Diyos,” anya pa.
Matatandaan na minsan nang sinabi ni Roque kay de Lima na: “May you spend the rest of your life in jail.”
Kasalukuyang pinaghahanap ngayon si Roque matapos i-contempt at isyuhan ng arrest warrant ng House of Representatives dahil sa kabiguan nitong isumite ang hinihiling na mga dokumento na nagli-link sa kanya sa ilegal na operasyon ng POGO.