GINISA ng mga senador ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa harap ng desisyong mag-angkat ng 21,060 metric tons ng sibuyas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform na pinamumunuan ni Sen. Cynthia Villar, binatikos ni Sen. Grace Poe ang mabagal na pagkilos ng DA para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng sibuyas.
“Ang tanong bakit hindi ito naisip bago pa pumalo ang presyo ng sibuyas sa hindi makatarungang halaga. Ilang buwan na ring mataas ang presyo ng sibuyas pero nagmatigas pa rin noong Disyembre na wala raw importasyon na magaganap pero ngayon parang joke lang, meron na pala,” sabi ni Poe.
Idinagdag ni Poe na napapanahon na para magtalaga ng permanenteng kalihim ng DA para tumutok sa mga problema kaugnay ng suplay ng pagkain.