MAY pakiusap si House Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez sa mga miyembro ng gabinete: maging mapanuri sa mga dadaluhan na rally.
Sa isang panayam, nagbigay ng reaksyon si Suarez ukol sa pagdalo ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte sa rally bilang suporta kay Pastor Apollo Quiboloy.
“We need to be a little bit more prudent and proper in deciding what events to attend pagdating sa ganung usapin. I think siguro sa mga susunod na pagkakataon, malaman din natin yung mga dinadaluhan natin,” paliwanag ng mambabatas.
Matatandaan na nagmistulang anti-Marcos protest ang “Laban Kasama ang Bayan” prayer rally noong Marso 12 sa Liwasang Bonifacio ng mga tagasuporta ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder at leader Apollo Quiboloy.
“Kita n’yo naman yung tenor ng prayer rally na ‘yun, I think very strong ‘yung anti-administration sentiment,” hirit ni Suarez.
“Of course being part of the Cabinet of President Bongbong Marcos, so it sends the wrong signal. Especially for me, di ba? Kasi ipinaglaban natin, kaya sila parehas nanalo dahil sa unity at pagkakaisa,” sambit pa niya.
Kaugnay nito, nanawagan si Suarez kay dating Biliran Rep. Glenn Chong na humingi ng paumanhin kay First Lady Liza Araneta-Marcos na pinagbantaan niyang sasampalin sa talumpati sa nasabing prayer rally.
“The words that he uttered against our First Lady are totally uncalled for,” sabi niya. “He should. I don’t only demand it, but I think out of common courtesy and basic human nature, I think he should,” dagdag ni Suarez.