SINIMULAN ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa pamamagitan ng paglulunsad ng bamboo at tree planting ceremony sa Old San Mateo Sanitary Landfill sa Rizal Martes ng umaga.
“Alam niyo po akala ko ‘pag nag-Presidente ka na, puwede mong i-cancel ‘yung birthday para hindi na counted. Hindi pa rin pala,” sabi ni Marcos sa kanyang talumpati.
Idinagdag ni Marcos na pinili niyang itapat ang paglulunsad ng tree planting para maging paalala sa Pinoy na napakaimportante na alagaan ang kalikasan.
“Sabi ko siguro ang pinakamaganda ay para ‘yung kaarawan ko ay maging mas makabuluhan at talagang may dahilan na tayo ay mag-celebrate ay sabi ko gawa tayo ng greening tree planting at ‘yan naman talaga ay ang pinakaimportanteng isyu hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo ngayon,” aniya.
Aniya, target ng Department of Environment and Natural Resources na matamnan ng puno ang 46,265 ektarya ngayong 2022 at karagdagang 11,631 ektarya sa 2023.
“Itong ating ginagawa nitong araw na ito ay isa sa mga hakbang na maaari nating gawin upang tulungan at patibayin ang ating kalikasan. Alagaan ang ating kalikasan para ay tayo naman ay mayroon tayong imamana sa mga anak natin sa mga susunod sa atin na mga Pilipino,” dagdag pa ni Marcos.