Bilang ng gutom na Pinoy bumaba sa 11.6%

BUMABA ang Pinoy na nakaranas ng gutom sa 11.6% porsiyento noong Hunyo mula sa 12.2% noong Abril, ayon sa Social Weather Stations (SWS).

Sinabi ng SWS na umabot sa 2.9 milyong Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger o may pagkakataong hindi kumain ng isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

Mas mababa ito ng 0.6 puntos kumpara sa 3.1 milyong Pinoy na nalipasan ng gutom noong Abril 2022, at 0.2 puntos na mas mababa sa 11.8 porsiyento (3.0 milyong Pinoy) na naitala noong Disyembre 2021.

Samantala, mas mataas naman ito ng 1.6 porsiyento kumpara sa 10 porsiyentong (2.5 milyong Pinoy) na naitala noong Setyembre 2021.

Mas mataas din ito ng 2.3 puntos kumpara sa 9.3 porsiyento noong bago magkaroon ng pandemya noong 2019.

Isinagawa ang survey gamit ang face-to-face interview sa 1,500 respondent.