NASAWI ang veteran radio broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid, matapos itong tambangan sa Las Pinas City Lunes ng gabi.
Pauwi na sa kanyang bahay sa barangay Talon Dos ang broadcaster at dating kolumnista ng pahayagang Hataw si Lapid ng pagbabarilin ito ng mga hindi nakilalang suspek.
Ayon sa mga report lulan ng motorsiklo ang isa sa mga suspek habang ang isa ay sakay ng puting Toyota Fortuner.
Pasado alas-8 ng gabi nang banggain ang kanyang sasakyan papasok sa kanilang subdivision at saka pinagbabaril.
Si Lapid ay nakilala sa kanyang programang Lapid Fire, isang hard-hitting radio program sa DWBL 1242. Bago ito ay naging commentator din siya sa DWIZ at kolumnista ng pahayagang Hataw.
Kilala rin si Lapid bilang matinding kritiko ng nakaarang administrasyon ni Pangulong Duterte at ngayon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa huling programa na naiere ni Lapid nitong Setyembre 30, binanatan nito ang patuloy na red tagging na pinaiiral sa bansa at iba pang maiinit na isyung politikal.
Dahil sa pagkakapaslang sa kanya, nag-trending ang #StopthekillingsPH.