Bato: Quad Com members dating ‘himod-puwit’ kay Digong

BINUWELTAHAN ni Senador Bato dela Rosa ang ilang miyembro ng quad committee ng Kamara na siyang nagrekomendang kasuhan siya kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng crimes against humanity.

Ayon kay Dela Rosa mga dating sipsip at “himod-puwit” ang ilang miyembro ng komite.

Wala namang tinukoy na pangalan ang senador.

“Hindi lang pumupuri. To put it bluntly ha, forgive my words, “himod puwit.” Himod puwit ‘yung iba diyan. ‘Yung quadcom na ‘yan, himod puwit kay President Duterte at kay Sen. Bong Go,” ayona kay dela Rosa sa panayam sa radyo.

Anya hindi naman umano gaano kasipsip sa kanya ang mga ito, hindi gaya kay Duterte at Go.

“Hindi gaano sa akin dahil hindi naman ako gano’n ka-powerful sa Malacanang, PNP lang naman ang hawak ko. Himod puwit ‘yung iba diyan,” anya pa.

Si Dela Rosa ang hepe ng PNP nang unang ipatupad ang malawakang war on drugs ni Duterte.

Litanya pa ni Dela Rosa, marami umano sa nasabing komite ang humingi ng pabor kay Duterte. At dahil iba na ang administrasyon ngayon, ay lumipat na ang mga ito.

“Sinsero sila na makakuha ng pabor para sa kanila kaya sila himod puwit. Ngayon naman, sinsero naman sila na sumaya ‘yung kanilang patron na kanilang sinusunod, ‘yung nag-o-order sa kanila. Gano’n sila kasinsero,” paliwanag pa nito.