“TOKHANG” style ang gagawing pangangampanya ng reelectionist na si Senador Bato Dela Rosa.
Ito ang hayagan niyang sinabi sa pasimula ng campaign period ngayong Martes.
Anya gaya ng “tokhang” operation noong panahon ng Duterte administration laban sa ilegal na droga, magbabahay-bahay siya at kakatok para ligawan ang mga botante.
“Kung pwede mag house-to-house, kung pwede mag-bahay bahay…Sanay naman tayo sa tokhang ‘di ba? Binabahay bahay natin ‘yung bahay, kinakatok natin ‘di ba? So pwede ring gawin ‘yun,” ayon kay Dela Rosa.
“Tokhang talaga—toktok hangyo, knock and plead. Katukin mo ‘yung pintuan ng bahay, ‘pag open, kung smiling, you plead, ‘Pwede ba ninyo akong iboto?’ Ganun. Pero pagka-open ng bahay, nakasimangot, ‘Ay sorry po, alis na ‘ko,’” paliwanag pa nito.
Isa si Dela Rosa na iniimbestigahan ngayon ng International Criminal Court dahil sa kontrobersyal na war on drugs, kabilang na ang pag-i-impelement ng tokhang operations, ng dating administrasyon.