Bato gigil kay Kerwin: Sinungaling, suntukin kita sa mukha

GIGIL na gigil si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa ginawang pahayag ng self-confessed drug dealer na si Kerwin Espinosa hinggil sa diumano’y pag-pressure niya rito para i-link si dating Senador Leila de Lima sa ilegal na operasyon ng droga sa isinagawang quad com hearing sa Kamara ngayong Biyernes.

“Ang masasabi ko lang kay Kerwin Espinosa, sinungaling siya. Kapag nakita ko siya, suntukin ko siya sa mukha, masyado siyang sinungaling,” ayon ka dela Rosa nang hingan ito ng reaksyon hinggil sa mga rebelasyon ni Kerwin sa quad committee.

Ayon pa kay dela Rosa isang beses lamang niyang nakausap si Kerwin at ito ay nang itanong niya rito kung tumanggap nga ba si Police Col. Jovie Espenido ng pera mula sa drig lord.

“Kinonfirm ko lang ‘yung nangyari kay Espenido nga, kung totoo ba ‘yung sinabi niya na tumatanggap sa kanya ng pera si Espenido. Yung gabi lang na ‘yun, after ng Senate hearing, kasi nabagabag ako talaga dahil nga sinabi niya na si Espenido raw ay tumatanggap ng pera sa kanya,” pahayag ni dela Rosa.

Naniniwala rin anya siya na hindi dapat bigyan ng halaga ang sinasabing rebelasyon ni Kerwin lalo pa’t confessed drug lord ito.

“Alam na alam ng mga tao ‘yan kahit na nakakulong siya sa National Bureau of Investigation [ay] gumagana pa rin ang droga doon sa lugar niya sa Albuera. Gumagana pa rin kasi siya pa rin ang nagpapatakbo,” ayon pa rito.