SEVENTY PERCENT complete na ang preparasyon na ginagawa ng Commission on Elections para sa nakatakdang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Disyembre 5, 2022.
“Masasabi po natin na 70 percent na po kami, actually lahat po ng directors and technical staff namin papunta sa Baguio sapagkat doon po namin paplantsahin ang guidelines, rules and regulations,” ayon kay Comelec Chairman George Garcia sa panayam nito sa TeleRadyo Martes.
“In full swing na po ang aming preparations,” ayon pa kay Garcia kasabay ang pagsasabi na “all systems go” na rin ang pagbili at paggawa ng mga balotang gagamitin.
Sakaling hindi umano matuloy ang halalan, maaari pa rin naman anyang gamitin ang mga balota.
“Sabi nga namin hindi na bali magprint ng balota kahit ay nakalagay na date na 2022, dahil pwede naman namin gamitin pa rin ‘yan kung sakaling mapostpone ang SK elections,” paliwanag nito.
Kamakailan lang ay inaprubahan ng House committee on suffrage and electoral reforms ang resolusyon para ipagpaliban ang darating na halalan sa barangay at SK.