Bagong deklarasyon ni Duterte, scam ‘yan –Trillanes

ISA na namang scam para kay dating Sen. Antonio Trillanes IV ang deklarasyon ni Pangulong Duterte na hindi nito iaatras ang mga barko ng Pilipinas na nasa West Philippine Sea kahit patayin pa ito ng China.


“Naku, jet ski scam na naman ‘yan. Ewan ko lang kung magpapaloko pa mga Pilipino d’yan,” ani Trillanes.


Kamakailan ay nagbanta si Duterte sa China na hindi niya iaatras kahit isang pulgada ang mga sasakyang-pandagat ng Pilipinas na nagpapatrulya sa WPS na itinataboy ng mga Chinese militia vessels.


“I’d like to put notice sa China. May 2 barko ako d’yan… I am not ready to withdraw. I do not want a quarrel, I do not want trouble. I respect your position, and you respect mine. But we will not go to war,” ayon sa Pangulo.


“Hindi talaga ako aatras. Patayin mo man ako kung patayin mo ako, dito ako. Dito magtatapos ang ating pagkakaibigan,” dagdag ni Duterte.


Hindi naman naniniwala si Trillanes na seryoso ang Pangulo sa mga ipinahayag nito.


“May tawag d’yan sa kalye, ang tawag d’yan pango-onse na ‘yan. Naisahan ka na nung una, naloko ka, naisahan ka uli. Mao-onse ang Pilipino n’yan kung paniniwalaan pa nila si Mr. Duterte,” dagdag niya.


Hirit pa ng dating senador, paulit-ulit na binabanggit ni Duterte ang isyu ng West Philippine Sea para ma-“divert the attention of the public.”